Tuesday, October 8, 2019

Aking Tipan sa Walong Bundok ng Nagcarlan

( PLEDGE )

Bundok Nagcarlan, Atimla, Mabilog, Bayaquitos, Malauban, Lansay, San Cristobal at Banahaw.  Ang walong kabundukan na may likas na yamang nagdudulot sa atin ng mga biyaya. Tayo ang nagtatamasa sa mga agos ng tubig na nagmumula sa inyong mga pusod, gayundin sa mga pagkaing inaani at kabuhayang dulot ng mga yaman ninyo.

Ako ay nababahala sa kasalukuyan ninyong kalagayan.   Gayundin sa mga pamayanang nasa laylayan at sa inyo ay nakapaloob . Hindi mapanatag sa  dahan-dahang pagkawala ng mga kagubatan, paghina ng mga bukal at agos ng tubig sa mga ilog, ang patuloy na paglawak ng mga halamanan sa mga paanan ninyo, ang pagkaagnas ng mga lupa sa mga sakahan at ang mga pinsalang dulot ng matagal na tag-tuyot o labis labis na pagbuhos ng ulan.

Ako ay naniniwala na ang bawat mamamayan, organisasyon at pamahalaan ay marapat na magkaroon ng malasakit sa pangangalaga sa ating kabundukan.  Kayat bilang tipan inilalaan ko ang bahagi ng aking kakayahan, karunungan at kayamanan para sa mga gawaing may kaugnayan sa pangangalaga ng walong kabundukang  nakapaligid sa bayan ng Nagcarlan. Hangad ko pa ang bawat salinlahi ay patuloy na magtamasa ng mga biyayang dulot ng walong yamang kabundukan napalibot sa ating bayan.  Maganap nawa ito sa pamamagitan ng tapat na ugnayan ng lahat at tulong-tulong na itaguyod ang pagmamahal at pagkalinga sa ating kalikasan.

Kasihan nawa tayo ng dakilang lumikha.

Isinagawa at nilagdaan ngayon ika-29 ng Setyembre 2019 sa brgy. Banilad, Nagcarlan, Laguna.




No comments:

Post a Comment